Naniniwala ang isang lady lawmaker na maraming senior citizen ang ayaw magpabakuna dahil sa takot na mahirapan sila pagdating sa mga vaccination center.
Ayon kay House Assistant Majority Leader at ACT-CIS Rep. Rowena Niña Taduran, maraming senior citizen ang hindi na kayang tumagal na nakabilad sa araw o mabasa sa ulan bukod pa sa hirap na ang mga ito na tumayo nang matagal.
Para makumbinsi umano ang mga ito, iminungkahi ni Taduran na magbahay-bahay na lamang ang mga lokal na pamahalaan para bakunahan ang mga senior citizen.
Pwede rin umanong gayahin ang ginagawa ng Maynila na drive thru vaccination. Maaari umanong sunduin ang mga senior citizen ng sasakyan ng LGU o barangay para idaan sa drive thru vaccination site.
Gamit ang datos mula sa World Health Organization, sinabi ni Taduran na 25% o 2.1 milyon lamang sa 8.4 milyong senior citizens sa bansa ang fully vaccinated na laban sa COVID-19.
Naniniwala si Taduran na maraming Pilipino ang gustong magpabakuna pero hindi pa rin nababakunahan dahil sa kakulangan ng vaccine.
“Hindi kasalanan ng mga senior citizens at iba pang priority groups kung bakit hindi pa rin sila nababakunahan hanggang ngayon. Maraming nakapila para sa schedule, wala namang tumatawag sa kanila,” dagdag pa ni Taduran.
No comments:
Post a Comment